Kaliwanagan
Kaliwanagan
Isinulat ni: May S. Leynes
1
Ang buhay kong nabuo at isinilang kasama ng liwanag
Ay nagbago at napadpad sa sapot ng kasalanan
Yumakap at nagpasakop sa pangarap
Na makasanlibutan.
2
Hinayaan ko ang puso ko na balutin ng dilim
Tamnan ng binhing itim ang tabal na damdamin
Kalimutan ang langit at sa poot ay magpadagit.
3
Hanggang sa anihin na ang bawat bunga
Hinog na hinog may sukdol ang pait at pakla
Ang lasa ng kasalanan kapag nga nakita
Tapik lamang ng kapighatian ang makapagpipinta.
4
Ang biak na langit na may liwanag na nakasilip
Tagusin mo nawa ang isip at pinakalitid
Hayaang kaliwanagan sa himaymay ko'y maglakbay
At maging gabay ko upang bahagyang mahugasan
At tigib na puso ko'y gumaan.
5
Puspusin Mo, Ama, ng kaliwanagan
Kaluluwa ko'y haplusin at dampian
Ng awa Mo't pagpapatawad
Hayaan Mo po akong muli'y matagpuan
Ang iwinaglit kong pag ibig Mong higit pa sa tunay.
Comments
Post a Comment