Para Sa Mahal Kong A.R
(by: May S. Leynes)

1-
Nagtagpo ang aming mga mata
sa kakatwang sitwasyon sa labas ng simbahan
ay kung bakit puso kay bilis ng pintig
parang may kabayong ang takbo'y mabilis
at kahit may kaba ay ngumiting pilit.

2-
Nagdaop ang mga palad namin
at nagkakilala kahit hindi alam ang sasabihin
sa isa't isa matiim ang pagtingin
ilipad nawa ng hangin ang kabang nasa aking dibdib.

3-
Mga mata niyang parang nangungusap
mga palad niyang mainit, kay inam humawak
na parang palad ko'y ayaw pakawalan
paligid ko'y kulay rosas
nangangarap, isip ay lumilipad.

4-
Lumipas ang ilang araw
ang ugnayan namin ay teks at tawag lang
marinig ko lang boses niya
masaya ako't puno ng sigla
ganito ba ang pag ibig?
hindi inaasahang madadama pala.

5-
Nais kong isigaw sa mundo
minamahal ko siya, sana po ay ingatan Mo
sa isang labanan ng magkapwa Pilipino
sa alitang hindi mawatasan
bakit 'di magkaisa, bakit naglalaban?
Diyos ko, ang minamahal ko, iyo pong ingatan.

6-
Halos madurog ang puso ng matanaw siyang paparating
puno ng putik ang pandigmang sapatos
ang damit niya'y meron pang bakas ng dugong natuyo
Diyos ko, bakit ba isang kawal ang minahal ko?
bakit siya ang ipinagkaloob Mo na makasama ko?
gayong alam Mo na minsa'y duwag ako
takot sa reyalidad na isang araw
babawiin Mo siya sa akin ng walang paalam.

7-
Ngunit sa t'wing ako ay nasa bisig niya
naglalaho lahat ng takot ko't kaba
napapawi lahat ng matunog na halik niya
sa mainit na yakap, lungkot ay napaparam bigla.

8-
Marinig ko lang ang boses niya't halakhak
hindi magkamayaw sa pagpapasalamat
dahil siya'y nakabalik ng ligtas
wala ng alalahanin na sa puso'y mababakas.


___________________________________________
*note: Poem published in 2012- 2013 Herald Issue- The NQCC- NQCi
* Academia.edu

Comments

Popular posts from this blog

If Cloud 9 is Real

Somewhere in the Past

WOMAN