Nagsisisi Ako Na May Ngiti Sa Labi
Nagsisisi Ako Na May Ngiti Sa Labi
(by: May S. Leynes)
1-
Minsan isang gabi nakatulog akong birheng matimtiman
pagdilat ng mata katabi ko mandin ay hubad na adan
kaagad dumaloy mga pangyayari sa aking isipan
at ang gabing yaon ay nagsilbing batik
sa iningatang dangal.
2-
Totoong ang sugat sa laman at balat
ay madaling maghilom
ngunit pag nasugatan ay damdamin
magbibilang ng panahon
araw gabi itong luha'y bumabalong
nakangiti ang labi kalooban ay nagngunguyngoy.
3-
Matapos ang maraming buwan kirot ay natabunan
nitong mga saya at pangarap na may katayugan
pagkabigo ay hinalinhan ng mga ngiti at pag asam
sa isang bituin na kay layo naman ng kinalalagyan.
4-
Pag ibig na hindi pinahalagahan sandaling nalimot
hanggang sa tuluyang nawala na ang lungkot
nagsimula ng bago iniwan ang nakaraan
libro at silid aklatan ang naging kaibigan.
5-
Itong mga araw na dumaraan maraming iniiwan
gaano man kahalaga ay nilalampasan
hindi alintana ang sino mang magpaalam
bahala ang tao kung paano siya sasabayan.
6-
Nalugmok na puso ay dagling nagbangon
natauhang bigla sa pagkakasubsob
sa katotohanan na nagdudumilat
kaya kahangalan sa hangin ay lumipad.
7-
Itong binhi ng halaman sa sikatan ng araw
kaagad tumubo kaydaling namukad
tila hindi dinaanan ng mabangis na unos
kahali halina, kalugod lugod.
8-
At muling sa buhay ay sumapit ang gabing madilim
ikinubli niya ang kasalanang lihim
ngunit sadyang gabi'y hindi nagtatagal
nang sumikat ang araw kasalanan ay nahantad.
9-
Pag ibig na lason sa puso't isipan
sumibol sa puso, naglakbay sa dugo na magkasamahan
sumiim sa buto na may tatag at paninindigan
sumpang hindi magwawalay iutos man ng sangkatauhan.
10-
Tutol man ang lahat
bawal na pag ibig ay lalong tumingkad
ang isang gabi ay naging simula ng pagpapakatatag
mga pusong baliw, nalunod sa tamis
nadarang sa init ng apoy na naglalagablab
nilimot ang mga pangaral ng mga ninuno at magulang.
11-
Totoo nga palang pag iyong pinilit lalong nag aalpas
itong magsing-ibig kapag iyong pinaglayo
lalong nagyayakap
nang kami'y hatulang mga nahahangal
ang paninindigan ay lalong tumibay
iniwan ang nilakhang tahanan
pinili ay akong kayang nililiyag.
12-
Itong mga puso'y tuluyang binulag
ng pag ibig na kumikinang
tumalikod sa lahat ng obligasyong
'di pa man nasisimulan
hinanap ang panibagong buhay na 'di nalalaman
ang pagpapamilya sa simula lang masarap
na sa kalauna'y pahirap ng pahirap.
13-
Ang bawat umaga ay sinisimulan ng saya at sigla
kaya mga araw 'di namamalayang lumilipas pala
tanging mahalaga'y kasama ang sinta
pag uwi ng bahay mula sa trabaho madaratnan siya.
14-
Masayang pagsasama kung aking damahin
ay wala ng wakas
ang pag iibiga'y sadyang walang kupas
mabuting pasunuran sa sinta ay paggalang
sumpa ng mga puso wagas na pagmamahalan.
15-
Talagang ang Diyos mahilig magbigay ng mga pagsubok
dalawang buwang pagsasama ay agad natapos
pinaglayo kaming dalawa
at ang abang tulad ko, ay halos malugmok.
16-
Itong aking sinta ay nagtungo sa syudad
upang doon ay hanapin ang isang takdang palad
bagahe sa isip ay isang pangarap
pangarap na para sa amin na kanyang pamilya.
17-
Ako nga'y naiwan sa liblib na lugar
pagdadalantao halos ikaratay
bayabas, pinya at binhing mani ang gawang panlunas
sa sikmurang sa masarap na grasya ay bumabaliktad.
18-
Isang buwan mandin na walang balita
mga taong walang magawa libangan ay mangutya
palad daw na sinapit ay ganti ng langit
iniwan ako ng sinta at sana raw ay huwag na itong magbalik.
19-
Sa nangyaring iyon ang lahat ng mali akin raw ginawa
lahat ng masama sa aki'y ipinakita
lahat ng sakit sa aki'y ipinadama
salitang mapait hindi magkasya sa aking tainga
nagdumilat sa harap ko ang lahat, ang lahat lahat na
na ni sa panaginip ay hindi ko inasahang
mangyayari pala!
20-
Palad na sinapit nais ko ng pagsisihan
makasalanan ba at pinarurusahan
lalo at nadarama ang pintig sa sinapupunan
lungkot na nadama ay walang kapantay
at galak sa pusong hindi na mapapawi magpakailanman.
21-
Itong isang buwan 'sing kupad ng pagong ang paglipas
ang sintang hinihintay ni anino'y hindi namalas
kaya itong puso'y lalong pait ang dinanas
at sa gabi ay luha ang aking panlunas.
22-
Nang hindi na mabata ang dampi ng parusa
akong kapus-palad ay dagling nagpasya
poder ng ninuno ay lilisanin na
sa kabayanan nais kong tumungo at mag isa.
23-
Ay! Talaga manding tadhana ay marunong
sa pinaglaruan kanyang itinuro
itong daang makitid ay tinalunton
kaya aking sinta ay nakasalubong!
24-
Mga pusong sabik tila walang pintig
hindi malaman ang gagawin kung lalapit
o tama na ba iyong nakatitig
sa sintang kinasasabikan at lubos na iniibig!
25-
Nang malinawan na ang mga pusong hangal
itong aking luha tila baga bukal
sa dibdib na matipuno ay agad na sumubsob
ngayon ay magkayakap kapwa sumisigok.
26-
Mga matang lumuluha may kislap din ng tuwa
labing nakangiti sa 'di malirip na ligaya
maglaro mang muli ang tadhana
sa isa't isa ay 'di mawawaglit
pag ibig na makapangyarihan, buklod kami ng kay higpit.
27-
Kay inam ng buhay kung sinta ay yakap
ang bawat oras ay tila hinahatak
itong tatlong araw kisap mata ang paglipas.
28-
Itong abang puso na kahapon lamang ay puspos ng saya
ano naman ngayon at batbat ng kaba
dahil ba itong sinta ay muling paalis na?
o dahil maiiwan muli at ang mainam pa
ay sa bahay ng biyanan na de numero
ang kilos at hakbang.
29-
Nang sumapit na ang gabi ay nalaglag muli
ang mga butil ng luha
itong hikbi ang katabi at kayakap
ano naman kaya ang kasasapitan ng tulad kong
kapus palad?
sa tahanang madilim, marumi at maingay
hindi maespiling ang ugali ng kabahay!
30-
Iyong sama ng loob kapag daw lumabas
lumipas man ito ay nagiging pilat
pilat na tatak ng talim ng sumpa
nitong pagkataong inaba ng lubha!
31-
Nais kong magsumbong ngunit paano
bawal akong humawak niyong telepono
magkamali ng kilos pag iisipan na ng kung ano
Ay! Talagang ang bahay na bato ay mayroong
walong kuwago!
32-
Ito nga palang luha ay mabisang pang langgas
ng sugat ng puso
hapdi man ng tagang patalikod walang aberyang iaanod
patungo sa panyolitong himpilan ng mga hinagpis
ang pagluha ko ba ay dahil sa pag ibig?
kung oo ang sagot: kung maibabalik ko ang kahapon
ay hinding hindi ako iibig!
33-
Nang biglang pumintig ang dalang buhay sa sinapupunan
ang nadamang tuwa ay hindi mapantayan
dahil ito'y bunga ng pag iibigan.
O! pag ibig na makapangyarihan
Nagsisisi ako habang sa labi ay may ngiting makinang!
34-
Tila itong loob ay dagling gumaan
ang mga pagsubok handa ko nang harapin at labanan
madama ko lamang ang pintig ng buhay
pakiwariin ko itong aking buhay
ay mayroon ding marikit na kulay.
35-
Sadyang sa buhay ay sasapit ang unos
unos na susubok sa puso ay kukurot
kapag nasaktan nga at saka nalugmok
lilitaw ang taong totoong tutulong!
36-
Sa aking sinapit aking nakilala
dating mga taong nagmamahal naghubad ng maskara
pagmamalasakit noon kabalintunaan pala
ito ang aral kong hindi malilimot habang may hininga!
37-
Nais isumbat sa aking sarili
naitatanong ko palagi sa isip
Bakit nagpadala sa tamis ng halik, sa init ng gabi?
Bakit nakinig sa marubdob na sandali?
sa tibok ng tangang dibdib
O! Sinta ko, iniibig kita, nagsisisi ako,
bakit may pag ibig pa?
38-
Kung maibabalik ko lamang ang kahapon ay
ibabalik ko agad ngayon
at hindi ko hahayaan na ang aking puso'y
madarang sa apoy
bayaang damdamin ay ginawin sa ambon at hamog
manhidin ng kidlat, mabingi sa kulog na dumadagundong
hayaan ang puso'y tangayin ng hangin,
ihampas nito at wasakin!
39-
Nang sumapit na itong pagluluwal
Ay! Kay inam! Kung ano ang sarap ganun din ang hirap!
habang humihilab nais ay sumuko na
nang lumabas ang anghel
tila napunit din itong kaluluwa.
40-
Nagluwal na nga ng maluwalhati
salamat sa lolong makandili
ang isang paa inalis sa hukay
pasasalamat na walang hanggan
utang na loob ay tatanawin habang buhay.
41-
Kung balikan sa isip ang pagluluwal ng nagdaang gabi
parang panaginip na kung isipin ko
ay 'di na ibig pang mangyari
ngunit kung masdan itong sanggol
pawi na ang sakit at hapdi
kapapagluwal pa, itong puso'y wari'y kiniliting muli.
42-
Itong munting anghel na wala pang malay
sa mundong ibabaw
silbing tanda ito ng pagkakatisod ko sa ligayang ligaw
kung aking pagmasdan ay isang pagsisisi
ang kanyang paglitaw
ngunit kung lilimiin ay kaligayahang walang hanggan
O! sanggol ko na ligaya at yaman ng iwi kong buhay!
______________________________________
*Note: Poem published in 2012- 2013 Herald Issue,The NQCC- NQCi
* Academia.edu
Comments
Post a Comment