Kung Ako'y Muling Isisilang
(by: May S. Leynes)
1-
Mata mong bilog
may lambing ng traydor na patalim
bumabaon ang titig
ninakaw mo ang pag-ibig
puso ko'y inangkin mo
sukdulang pumanaw ang nauna rito
na siyang may ari ng pangalan ko.
2-
Mahirap tanggapin
ang duldol ng katotohanan
hindi mo ako maaangkin
kahit ang puso ko'y libong ulit mong bihagin.
3-
Ang pananagutan ko
sa batas, mundo at Diyos
bilhin mo man ng salaping makinang
mahirap tumbasan
maliban sa tamis
ng magpakailanman.
4-
O! Babae . . .
minasdan kita at hinangad
subalit musmos ka
sa kandungan ng iba
doon ako'y napadpad.
5-
Balingkinitang katawan
kasing init nitong bulkan
tinupok ang puso kong marupok,
sa dampi ng labing mapusok
na naghatid sa akin
sa libingan ng pagsuko.
6-
Bakit maganda ka
babaeng tampalasan
ang dila mong matamis
may kamandag ang halik
handa akong magkasala
kung ikaw ang hahagkan.
7-
Pananaw mong tuwid
may sangang makitid
kinapulutan ko
ng pira pirasong hamon
na nang mabuo ko'y magkapalad
nating puso.
8-
Iyong tawa mo na nakabibingi
aking hinahanap sa tahimik na gabi
hanggang paggising ko
nais kong namaginip
kasama ka, kayakap, mumulat
ako na ikaw ang katabi.
9-
Kamalditahan mo na sagad sa buto
problema ko at sakit ulo
hindi ko minsan matanggap sa isip ko
na iibigin ka sa kabila nito.
10-
Labing mapupula
'sing lambot ng ulap
'sing tamis ng mansanas
kay sarap namnamin
kahit nagmumura
may salitang lihim.
11-
Bawat kataga mo
may mensahing malalim
hindi ko akalain
na ito, ang gigising sa akin.
12-
Salamat, babae
sa buhay ko, ikaw ay naging parte
naging sandalan ko
ang bawat payo mo
at pinanghugutan ko
ng lakas ng loob.
13-
Kung sa mundong ito
muli akong isisilang
hahanapin kita
kahit saan pa man
sapagkat nais ko
at minimithi ko
na sa habang buhay
ikaw ang makaulayaw ko.
14-
Pangarap kong ito'y aking babaunin
mula ngayon hanggang aking sapitin
ang pamamaalam sa buhay na bitin.
15-
Sa pinakahuling pintig nitong puso
ang kahilingan ko bango mo'y masamyo
upang sa ilalim ng magiging puntod
ay mahimbing ako
dala ang pag asang muli, isisilang ako...
Comments
Post a Comment